Ads By Nuffnang

Showing posts with label tagalog. Show all posts
Showing posts with label tagalog. Show all posts

Thursday, August 25, 2016

"Pagtakas"


Sa pagitan
ng ingay at nagbabagang punglo
takbo
Habang unti-unti
unti-unting tumutumba
ang puno ng saging
ang mais
ang rebelde
ang sundalo
takbo
balewala ang bawat lubak
mga tinik
magaspang na daan
kawangis nang buhay mo
takbo
takasan ang panaginip
ang madugong panaginip
sa piling ng alitaptap
at gamu-gamo
'wag kang lilingon
kahit pa makita
makitang madapa si ina
'wag kang lilingon
at baka may masaksihan
masaksihan ang paglagos
paglagos na paulit-ulit
ng bala sa dibdib ni ama
wag kang lilingon!
wag kang sisigaw
wag kang sisigaw!
kahit pa si bunso
sa kapit mo'y bumitaw
wag kang sisigaw
kahit wala na
kahit pa walang-wala na
sayo'y naiwan
tumakas ka lang
tumakas ka
takas!
oo takas!
tumakas ka't gumanti..
gumanti ka
kaluluwa mo'y matagal nang nagbayad
sa mga kasalanang gagawin mo pa lang
tumakas ka't maghiganti
sa dahilang matagal na
matagal na matagal na
ang lupang minana'y inangkin
ng kaguluhang ugat ay di mo batid
at di mapatid
tumakas ka
Takbo!
tumakas ka't gumanti!
kahit mabubo ang dugo
dugo mong matagal
matagal na matagal nang babad
sa asin at apdo
gumanti ka!
ang dugo mo
dugo mong mabububo
ay sisingaw
at magtatanong sa langit
gumanti ka
wala kang sala
matagal ka nang bayad
© Lawrence Avillano
End impunity
Save the Lumads


Tuesday, September 29, 2015

Hugot: Paano ang Tamang Pamamangka

Paano nga ba ang tamang pamamangka?

Madali lang yan. Unang-una siyempre dapat may bangka ka. Wag kang  mangaagaw ng bangka ng iba. Hindi masaya yon. Pero kung sanay ka naman mangagaw, sige go! Agawin mo lahat.

Pangalwa, dapat may sagwan ka. Paano ka makakapamangka kung wala ka namang sagwan? Ang lagi mong tatandaan, wag na wag kang  mamamangka nang walang dalang sagwan. Kahit pa demotor pa yan o de layag. Paano kung naubos ang gasolina? Paano kung kumalma o sobrang lakas ng hangin? Patatangay ka na lang? Yang sagwan para yang  tapang, lakas ng loob.  Ano lalaot ka lang? Palalim nang palalim hanggat kaya mo pa tapos magpapaanod ka lang papunta sa kawalan? Di ba sayang naman.

At kung napili mong managwan. Dapat balanse ang pagsagwan. Hindi puro kanan. Hindi puro kaliwa. Dapat marunong ka sumagwan sa both sides para may direction ang bangka. Dahil kung puro kaliwa o kanan lang ang sinasagwanan mo, magpapaikot-ikot ka lang, mapapagod at walang mararating. Dapat din marunong ka magtimon. Kasi yang pagtitimon ang magdidikta kung saan mo gustong pumunta.

At higit sa lahat, dapat alam mo kung kailan ka tatabi. Kapag masyado nang malayo at mukang wala ka namang patutunguhan, aba! TABI TABI NA AT BAKA MAPADPAD KA LANG SA KUNSAAN. Ikaw din ang mahihirapan kapag nangyari yon.

Dapat din marunong ka maglimas. Alam mo yon? yung Paglilimas? Yan yong pagtatagkal ng excess water na pumapasok sa bangka. Dapat talaga marunong ka niyan. Paano kung abutin ka nang ulan o magkabutas ang bangka? Papabayaan mo na lang na magkasama kayong lulubog? Maghihintay kayo ng rescue? Tangina kapal naman ng muka mo. Ikaw ang nagdesisyon mamangka tapos nung di mo na kaya magpapatulong ka sa iba. Naghanap ka pa ng damay.  Busy din yung iba pamamangka tandaan mo yan. At for the record, nung kinuha mo yang bangka na yan alam mo na may ibang gustong sumakay, may ibang gustong sumaya. Iligtas mo ang sarili mong hangal ka.

Wednesday, February 4, 2015

Liham

Ako`y may natanggap na isang pulang liham
na sa akin ay gumulat nang aking buksan
sapagka`t ang pagbati ay "kumusta naman?"
"kabataang bulag sa dusa ng bayan"

At ang pagbabasa ay `di na pinaliban
ang hawak kong liham ay aking tinantang
at sa nilalaman ako`y nagulantang
sapagka`t balintuna sa aking pananaw

ang wika ng liham baga ay ganito:
namamasdan niyo ba at napagtatanto?
ang bayan niyo ngayon lubha nang magulo
ngunit ano bang pakiaalam ninyo?

kayong kabataan ngayo`y parang luno
ang tangi niyong hangad ay bagay na bago
hindi lumalayo sa kilalang tukso
dala`y kahihiyan, taas pa ang noo

matikas ang dibdib kahit binabayo
mataas ang lipad kahit binabagyo
kunwari ay alam ngunit litung-lito
at ubod ng yabang ngunit walang buto

sa kaunting bagay ay may talu-talo
panay ang sipaan ng pananaw ninyo
sa gitna ng gulo, tanging nasambit ko
ka`y taas ng aral ay mal-educado

itong inang bayan ay may panawagan
ang palad daw niya sana`y muling hagkan
tigang na damdamin sana ay diligan
responsibilidad niyo ay gawin niyo naman

ang lahat ninyong mga likhang kabalbalan
ay bahid ng putik sa taglay niyang dangal
ang sa inang bayang tanging panambitan
"ANONG GINAWA NIYO SA AKING PANGALAN?"

-Lawrence Avillano



Friday, January 30, 2015

Hayaan Mo Sila

Ni hindi ka daw mailibre ng meryenda
kasi naman laging sakto lang ang pera
pero mahal naman kitang talaga
maintindihan mo sana
hayaan mo sila

Hindi daw tayo bagay sa isa`t isa
dahil sobra mong ganda talaga
ubod ng bait at matalino pa
pero mahal naman kitang talaga
kaya hayaan mo sila

hayaan mo silang magsalita ng kung ano-ano
pagka`t di nila naiintindihan ang nararamdaman ko
hindi ang ganda mo ang minamahal ko
kahit pumangit ka ikaw ang sinta ko
kaya hayaan mo sila mahal ko

Thursday, January 29, 2015

Pag-ibig

Itong pagibig ay tunay ngang kakatwa
Upang maging isa kailangan ay dalawa
Ito`y dalwang pusong liglig sa pagsinta
Dalwang kaluluwang ang diwa ay isa

Dalwang mga pusong tibok ay pareho
Masayang umaawit pagka`t magkatono
Dalwang kaluluwang kapag pinaglayo
Kahit ang Disney Land magiging impyerno

Ngunit may pag-ibig na nakapagtataka
Tanging iisa lang itong sumasamba
Ito`y palagi nang puspos ng dalita
At ang tanging sigaw "giliw mahal kita"

Ganyan ang pagibig ng baliw na puso
Na di nagsasawang sa sintay sumamo
"Oh giliw ikaw lang ang sinasamba ko
mula kaluluwa hanggang patay na kuko!"

Lawrence Avillano
January 27, 2015