Ads By Nuffnang

Showing posts with label love. Show all posts
Showing posts with label love. Show all posts

Tuesday, November 8, 2016

Eavesdropping - Sayang Isang Dagli

Sayang - Isang Dagli
Ni Lawrence Avillano

May naguusap sa kadiliman. Paguusap na tumapos sa isang mahabang katahimikan. Sinimulan ito sa buntong-hininga.
Mahaba….
 Mariin….

"Nailigtas ko ang isang bituin sa pagbulusok" sabi ng unang tinig. Pagkatapos bumuntong hininga ulit.

"O eh. Bakit tila nababagabag ka? Dapat kang magsaya. Hindi lahat kayang magligtas ng bituin." sabi naman ng isang tila natatawa.

"Masaya nga ako para sa kanya. Para sa akin at para sa kalawakan na nagmamay-ari sa kanya." Mahina ang sagot. May pagkabalisa

"Oh e ano ngang problema bakit ganyan ka? Magsaya ka at patuloy mo siyang mamamasdang kumikinang." Ang bahagyang pagtaas ng tinig ay kapansin-pansin. Siguro ay naiinis na rin.

"Para ka namang bago nang bago. Alam mo naman na ang istoryang ito"
Sabi ng unang tinig

"Haha! Yan na lang palagi ang dahilan mo sa tuwing ika'y naririto. Ano nga 'yon? Nais kong matanto." May bahagya nang tuwa. Hindi ko alam kung bakit.

"Nailigtas ko ang isang bituin sa kanyang pagbulusok ngunit pagkatapos ng lahat-lahat ako ang nahulog."
Katahimikan....

(bawal maginsert ng huni ng kuliglig wala non sa kalawakan)

"Sawi! Ahahaha!" Paunang sabi ng pangalwa. Bago mahinang-mahinang idinugtong niya "Para kang tanga na nagpakahulog pa. Naririto akong kusang bumaba para makasama ka."

"Ano? Para ka na namang kuliglig!" tila naiinis pang sabi ng unang tinig. Bago mahinang-mahinang idinugtong din "Alam ko naman. Natatakot lang akong magwakas din tayo sa kawalan"

Mahabang katahimikan ulit. 

Ako lang yata ang nakarinig sa dalwa.

"Shhhhh... wag kayong maingay ha?"


Monday, October 31, 2016

Message Sent - A Love Story

"Message Sent"
Ni Lawrence Avillano

Umuulan noon. Pumapatak ang tubig mula sa bubong ng mga gusali. Mayroon pa ngang tila tubig galing sa gripo. Sira siguro ang alulod.

Sa gitna ng ulan at nang bagong sasusulpot na lamig ng amihan sa buwan ng Nobiyembre, hindi matawaran ang dami ng tao sa lansangang aking dinaraanan. Katatapos lang kasi ng Undas. Magsisipaguwian na sa kani-kanilang bayan marahil.
Sa buhos ng tao at ng ulan. Hindi ko maiwasang pagmasdan ang mga dumaraan. Katulad ng ginagawa ko palagi.

Iba-ibang tangkad, kulay ng balat, buhok, kasuotan... kasama. May ngumingiti, may tumatawa, may nagbubuntong-hininga. Iba't ibang kislap ng mata. Parang mga bituin sa langit na bitbit ng kaluluwa.

Tumigil ako at nagtanong. Pero hindi na kagaya ng dati--- "Saan po ang daan?". Hindi na. Alam ko na. Galing na ako duon kung saan kita iniwan. Matagal na panahon na. Pero tumigil pa rin ako sa lugar na yon. Sinugsog ng titig ko ang isang masikip na eskinita na alam kong naghahangga sa inyong pintuan.

Oo. Tumigil ako at nagtanong sa aking sarili. Pero hindi na kagaya ng dati-----"Bakit". Kagaya noong mga unang araw na nagpasya tayong apulahin ang apoy na tumupok sa malamig nating pusong hindi pa nakakilala ng init kailan man.

Huminto ako sumandali. Ipinikit ko ang aking mata. Pinakiramdam ko ang lamig ng ulan. Malamig pa rin..... Malamig pa rin. At kasabay ng pagbuntong hininga ako'y nagtanong. Hindi na bago sa akin ang tanong na ito---- "Paano?".

At sa pagmulat ng aking mga mata kasabay ng huling buntong hininga.
Humakbang ako palayo.
Isa....
Dalwa...
Dahan-dahan.
Tatlo...
Apat..

Lima! Ganon lang pala. Yon lang pala ang sagot sa nakakabaliw na tanong na iyon. Kailangan kong humakbang palayo at huwag ng lumingon pa. Kahit na alam kong sa dulo ng eskinitang iyon naroroon ka. Naghihintay...

May nagtext (insert message alert tone).

Baby Girl: Best? San ka na? Hanap ka ni mama. Si Papa may pinalamig. Dinamihan daw niya at nxt year pa to mauulit.

Mauulit? Umaalingaw-ngaw sa isip ko. Mauulit. Mauulit Baka may pagasa pa nga.

Tumugon ako ---
Nakakabingi ang tahimik na pagtipa sa mga titik sa screen ng mumurahin kong cellphone. Bumibilis ang pulso habang nabubuo ang bawat kataga;

"Best sorry pakisabi sa kanila na pasensiya na. May kailangan akong taposin. Lakas pati ng ulan. Parang last na niya to. Sorry baby girl. Take care always."

Message Sent

Pinatay ko ang cellphone ko dahil alam kong tatawag siya.
At kung ano man yong kailangang kong tapusin
Alam kong tapos na.


Thursday, October 6, 2016

Gaano Siya Kalayo?


Gaano ba kalayo ang hindi maabot?
Iniisip ko rin
Dahil may mga hindi maabot na hagip ng tingin
Kung minsan nga ay katabi pa
Dumadaplis sa pisngi ko ang kanyang paghinga
Nahawakan ko na rin ang kanyang palad
Pero
Hindi ko siya maabot
Kahit pa sa kaibuturan ng puso ko siya'y naroon
Hindi ko siya maabot
Hindi siya magiging akin

Gaano kalayo ang malapit?
Parang pagitan ng mundo at buwan

Umiikot lang sa kanya pero di malapitan
Bahagi niya ako
Pero hindi niya alam
Malapit siya
Tama malapit siya
Pero malayong maging kaming dalawa


Ngayon ako naman ang magtatanong
Hanggang saan ba ang HANGGANG DOON?

Lawrence Avillano 2016

Thursday, August 25, 2016

"Pagtakas"


Sa pagitan
ng ingay at nagbabagang punglo
takbo
Habang unti-unti
unti-unting tumutumba
ang puno ng saging
ang mais
ang rebelde
ang sundalo
takbo
balewala ang bawat lubak
mga tinik
magaspang na daan
kawangis nang buhay mo
takbo
takasan ang panaginip
ang madugong panaginip
sa piling ng alitaptap
at gamu-gamo
'wag kang lilingon
kahit pa makita
makitang madapa si ina
'wag kang lilingon
at baka may masaksihan
masaksihan ang paglagos
paglagos na paulit-ulit
ng bala sa dibdib ni ama
wag kang lilingon!
wag kang sisigaw
wag kang sisigaw!
kahit pa si bunso
sa kapit mo'y bumitaw
wag kang sisigaw
kahit wala na
kahit pa walang-wala na
sayo'y naiwan
tumakas ka lang
tumakas ka
takas!
oo takas!
tumakas ka't gumanti..
gumanti ka
kaluluwa mo'y matagal nang nagbayad
sa mga kasalanang gagawin mo pa lang
tumakas ka't maghiganti
sa dahilang matagal na
matagal na matagal na
ang lupang minana'y inangkin
ng kaguluhang ugat ay di mo batid
at di mapatid
tumakas ka
Takbo!
tumakas ka't gumanti!
kahit mabubo ang dugo
dugo mong matagal
matagal na matagal nang babad
sa asin at apdo
gumanti ka!
ang dugo mo
dugo mong mabububo
ay sisingaw
at magtatanong sa langit
gumanti ka
wala kang sala
matagal ka nang bayad
© Lawrence Avillano
End impunity
Save the Lumads


"Pagdiklom"’

Nagaabang
pinupulsuhan ang tinta
walang tibok ang papel
nagaabang
sa unang guni
nang unang guri
tungkol sa 'yo
sa akin
sa ulan
sa kanina
o bukas kaya
ngunit
walang pulso ang tinta
walang tibok ang papel
parang ako't ikaw
tinadhana
magkapares
ngunit
walang pulso
walang tibok


Lawrence Avillano 2016
Mula sa - "Guri-guring Pagibig"

Dag-im

"Dag-im"

Ang layu-layo mo.
Tinangka kitang lapitan
At napaso ako
Sa init ng sarili kong pagmamahal.
Sagad sa kaluluwa ang lamig mo at pait,
 Parang bagong bukas na beer:
Malamig,
 Mapait.
Hinahanap-hanap ko.

Ang layu-layo mo,
Ngunit ginawa kong lahat
 Upang ika'y malapitan.
Umaasa akong nasa akin
Ang huling pirasong bubuo sa'yo.
Hindi pala:
Libu-libong bahagi pala ang nawala sa'yong pagkabasag.
At ngayon,
Pareho na tayong wasak
At may malalalim na sugat.

Tinangka kitang lapitan, mahal,
Sa sarili mong mundo—
Mundong binuo mula sa luha.
Ninais kong makisalo
Sa hinagpis mo't pait.
Ngunit, mahal,
Patuloy na bumabalong ang 'yong luha,
Hindi mula sa mata Kundi mula sa apdo at sa puso mong nalason
Nang kamandag ng unang pag-ibig.
Mahal kita
Kaya hindi na ako lalayo,
Kahit alam kong mauuna pa akong malulunod
Sa mundo mong hilam sa luha.

Mahal,
Hindi ko sasabihin sa'yong
Gumising ka na
Sa kabaliwan,
Dahil ako'y tulad mo ring baliw
Mula pa noong
 Una kong hakbang palapit sa'yo.


-         Lawrence Avillano; August 18, 2016

Friday, January 30, 2015

Ineng

Bakit ang saya ko sa tuwing nakikita ka
kulay ng mundo`y biglang nag-iiba
tibok ng puso ko ay naririnig na
gustong kumawala at sayo`y pumunta

Paano nga ba kita kakausapin
natatakot akong baka di mapansin
kaya binubulong ko na lang sa hangin
sana balang araw ako ay ibigin

kailan pa ba nagsimula itong katorpehan
nasorpresa ako sa sariling katangahan
ni hindi nga kita malapitan
kahit nag-uumapaw na ang pagmamahal

Ineng hayaan mo sa tamang panahon
mag-iipon lang ako ng lakas ng loob
maipagtatapat ko din sayo ito
na ikaw ang unang minahal ko

akala ko nga noon aking Ineng
na ako`y di lalaki at isa akong bading
kasi naman kahit anong gandang babae
kahit sobrang bango wala akong pake

Ineng lahat sa akin ay nag-iba
mula ng masilayan ang iyong muka
alam kong di ka naman ganon kaganda talaga
bakit ang puso ko ay nagwawala

Sana Ineng pag-ibig ko ay tanggapin
Ikaw ang una`t huli kong mamahalin
at kung ako`y iyon babastedin
hindi na ako magmamahal ulit Ineng

Lawrence Avillano
1/30/15
xen hong sei
psei
xiao xue