Ads By Nuffnang

Showing posts with label flashfiction. Show all posts
Showing posts with label flashfiction. Show all posts

Tuesday, November 8, 2016

Eavesdropping - Sayang Isang Dagli

Sayang - Isang Dagli
Ni Lawrence Avillano

May naguusap sa kadiliman. Paguusap na tumapos sa isang mahabang katahimikan. Sinimulan ito sa buntong-hininga.
Mahaba….
 Mariin….

"Nailigtas ko ang isang bituin sa pagbulusok" sabi ng unang tinig. Pagkatapos bumuntong hininga ulit.

"O eh. Bakit tila nababagabag ka? Dapat kang magsaya. Hindi lahat kayang magligtas ng bituin." sabi naman ng isang tila natatawa.

"Masaya nga ako para sa kanya. Para sa akin at para sa kalawakan na nagmamay-ari sa kanya." Mahina ang sagot. May pagkabalisa

"Oh e ano ngang problema bakit ganyan ka? Magsaya ka at patuloy mo siyang mamamasdang kumikinang." Ang bahagyang pagtaas ng tinig ay kapansin-pansin. Siguro ay naiinis na rin.

"Para ka namang bago nang bago. Alam mo naman na ang istoryang ito"
Sabi ng unang tinig

"Haha! Yan na lang palagi ang dahilan mo sa tuwing ika'y naririto. Ano nga 'yon? Nais kong matanto." May bahagya nang tuwa. Hindi ko alam kung bakit.

"Nailigtas ko ang isang bituin sa kanyang pagbulusok ngunit pagkatapos ng lahat-lahat ako ang nahulog."
Katahimikan....

(bawal maginsert ng huni ng kuliglig wala non sa kalawakan)

"Sawi! Ahahaha!" Paunang sabi ng pangalwa. Bago mahinang-mahinang idinugtong niya "Para kang tanga na nagpakahulog pa. Naririto akong kusang bumaba para makasama ka."

"Ano? Para ka na namang kuliglig!" tila naiinis pang sabi ng unang tinig. Bago mahinang-mahinang idinugtong din "Alam ko naman. Natatakot lang akong magwakas din tayo sa kawalan"

Mahabang katahimikan ulit. 

Ako lang yata ang nakarinig sa dalwa.

"Shhhhh... wag kayong maingay ha?"


Monday, October 31, 2016

Message Sent - A Love Story

"Message Sent"
Ni Lawrence Avillano

Umuulan noon. Pumapatak ang tubig mula sa bubong ng mga gusali. Mayroon pa ngang tila tubig galing sa gripo. Sira siguro ang alulod.

Sa gitna ng ulan at nang bagong sasusulpot na lamig ng amihan sa buwan ng Nobiyembre, hindi matawaran ang dami ng tao sa lansangang aking dinaraanan. Katatapos lang kasi ng Undas. Magsisipaguwian na sa kani-kanilang bayan marahil.
Sa buhos ng tao at ng ulan. Hindi ko maiwasang pagmasdan ang mga dumaraan. Katulad ng ginagawa ko palagi.

Iba-ibang tangkad, kulay ng balat, buhok, kasuotan... kasama. May ngumingiti, may tumatawa, may nagbubuntong-hininga. Iba't ibang kislap ng mata. Parang mga bituin sa langit na bitbit ng kaluluwa.

Tumigil ako at nagtanong. Pero hindi na kagaya ng dati--- "Saan po ang daan?". Hindi na. Alam ko na. Galing na ako duon kung saan kita iniwan. Matagal na panahon na. Pero tumigil pa rin ako sa lugar na yon. Sinugsog ng titig ko ang isang masikip na eskinita na alam kong naghahangga sa inyong pintuan.

Oo. Tumigil ako at nagtanong sa aking sarili. Pero hindi na kagaya ng dati-----"Bakit". Kagaya noong mga unang araw na nagpasya tayong apulahin ang apoy na tumupok sa malamig nating pusong hindi pa nakakilala ng init kailan man.

Huminto ako sumandali. Ipinikit ko ang aking mata. Pinakiramdam ko ang lamig ng ulan. Malamig pa rin..... Malamig pa rin. At kasabay ng pagbuntong hininga ako'y nagtanong. Hindi na bago sa akin ang tanong na ito---- "Paano?".

At sa pagmulat ng aking mga mata kasabay ng huling buntong hininga.
Humakbang ako palayo.
Isa....
Dalwa...
Dahan-dahan.
Tatlo...
Apat..

Lima! Ganon lang pala. Yon lang pala ang sagot sa nakakabaliw na tanong na iyon. Kailangan kong humakbang palayo at huwag ng lumingon pa. Kahit na alam kong sa dulo ng eskinitang iyon naroroon ka. Naghihintay...

May nagtext (insert message alert tone).

Baby Girl: Best? San ka na? Hanap ka ni mama. Si Papa may pinalamig. Dinamihan daw niya at nxt year pa to mauulit.

Mauulit? Umaalingaw-ngaw sa isip ko. Mauulit. Mauulit Baka may pagasa pa nga.

Tumugon ako ---
Nakakabingi ang tahimik na pagtipa sa mga titik sa screen ng mumurahin kong cellphone. Bumibilis ang pulso habang nabubuo ang bawat kataga;

"Best sorry pakisabi sa kanila na pasensiya na. May kailangan akong taposin. Lakas pati ng ulan. Parang last na niya to. Sorry baby girl. Take care always."

Message Sent

Pinatay ko ang cellphone ko dahil alam kong tatawag siya.
At kung ano man yong kailangang kong tapusin
Alam kong tapos na.


Thursday, August 25, 2016

"Ana D. Plosis"

Nais kong hulihin mga bitwin sayong mata
mata na salamin ng ligayang nadarama
nadarama na pagibig hindi akin kundi kanya
kanya sa dahilang tayong dalwa'y malabo na

Ngunit giliw kahit ganon sa labi ko ay may ngiti
ngiti na nagmula sa puso ko na palagi
palagi nang para sa yo'y may hiling sa pintakasi
pintakasi nitong pusong sa pagibig mo ay sawi

Sa 'king labi ay nunukal ang ang taimtim na dalangin
dalangin kong ligaya mo'y makamit sa kanyang piling
piling ng iyong sintang palagay mo'y higit sa 'kin
Aking pagmamahal hindi pa rin magmamaliw

Aking hirang mahal kita langit ako'y isumpa man
isumpa man na mundo ko'y magdilim na habang buhay
buhay na pangako kong hanggang huli sayo alay
alay na tinapon mo't niyurakang anong husay

©Lawrence Avillano
Anadiplosis
A form of poetry