Ads By Nuffnang

Showing posts with label hugot.. Show all posts
Showing posts with label hugot.. Show all posts

Wednesday, October 12, 2016

Sa Pagibig Kong Walang Pangalan

Sabi mo
Ang pagibig ay isang pangalang walang pagkakakilanlan
Kaya pala alam ko ang pangalan mo pero hindi kita kilala
Alam ko ang pangalan mo
Hinahanap kita sa yong mga kaibigan
Sa nanay mo
Sa tatay mo
Sa listahan ng nalilito
Nababasa ko ang iyong pangalan
Alam kong ikaw yon
Ngunit
Hindi ko pala alam
Kung sino ang ikaw
Sinilip lang kita sa siwang ng iyong mga ngiti
Sa mga siwang kung saan ako nahulog
Kilala ko lang ang tunog ng yong halakhak
Kung saan ako nalunod
Kilala ko ang kislap ng yong mga mata
Kung saan ako natakot
Natakot na mawala ka pa
Na makawala ka pa
Pero mali ako
Hindi pala kita kilala
Hindi pala kita nakilala
Hindi pala
Marami ka palang likod
At hindi ka humarap sa akin kailanman
Pero mahal kita
Mahalaga ka
May halaga ka
Kahit hindi naman pala talaga kita kilala
Handa akong mamatay sa talim ng iyong punyal
Sa tuwing sinasaksak mo ako sa aking likuran
Saksakin mo ako
Hanggang maubos ang tibok ng puso kong matagal ko nang isinuko sayo
Pagibig kong may mahiwagang pangalang walang pagkakakilanlan

A Love Triangle

Ang Dagat Ang Ulan At Ang Langit - Tatsulok na Pagibig


Nang minsan silang magkita
Sa isang lugar na tahimik;

Tinanong ng dagat ang ulap
Kung bakit
Labis niyang mahal ang langit---
`Ewan ko`
Ang tangi nitong banggit
Ngunit sa dagat ay 'di makatitig
At mahinang-mahinang sinambit;
Mahuhulog din ako sayo
Kapag ngalay na sa pagkapit
Itong dagat na ang puso'y natigatig
Sa akalang lubos nang wasak ang pagibig
Hindi na nakinig
Nagpakalunod na agad
Sa sariling tubig

Sunday, October 9, 2016

Paano Ba Ang Magmahal

Kung talagang mahal mo siya
Hindi mo siya ipaglalaban
Hahayaan mo siyang malaya
Pero
Babantayan mo siya at aalalayan
Hayaan mo siyang subukin at subukan ang iba't ibang lasa ng halik
Ang ibat-ibang higpit ng yakap
Bantayan mo siya at alalayan
Hanggang makatagpo siya ng sapat
O sa iyo na siya mapatapat
At kapag nangyari yon
Halikan mo siya sa noo
Sa noo muna
Yung paraan ng paghalik na katulad ng iyong pagpaparaya
Kalma
Mapayapa
Kahit may luha
Bago mo ibigay ang halik sa labi na may tamis na di mahahanap sa lupa
Dahil galing sa itaas
Bumaba sa kaluluwa
Isabay mo na rin ang yakap na hindi mahigpit
Kasing higpit lang nang kung paano ka nainggit nuong yakap siya ng ibang bisig
Walang nginig
Walang hinanakit
Pero mainit
At mula sa araw na 'yon
huwag na huwag kang magkakamaling sabihing mahal mo siya
Hayaan mong makita ng mundo
At sabihin sa kanya ng paulit-ulit
Araw-araw
Oras-oras
Minu-minuto
Bawal saglit
"Mahal ka niya, wag kang manhid"


Thursday, August 25, 2016

Dag-im

"Dag-im"

Ang layu-layo mo.
Tinangka kitang lapitan
At napaso ako
Sa init ng sarili kong pagmamahal.
Sagad sa kaluluwa ang lamig mo at pait,
 Parang bagong bukas na beer:
Malamig,
 Mapait.
Hinahanap-hanap ko.

Ang layu-layo mo,
Ngunit ginawa kong lahat
 Upang ika'y malapitan.
Umaasa akong nasa akin
Ang huling pirasong bubuo sa'yo.
Hindi pala:
Libu-libong bahagi pala ang nawala sa'yong pagkabasag.
At ngayon,
Pareho na tayong wasak
At may malalalim na sugat.

Tinangka kitang lapitan, mahal,
Sa sarili mong mundo—
Mundong binuo mula sa luha.
Ninais kong makisalo
Sa hinagpis mo't pait.
Ngunit, mahal,
Patuloy na bumabalong ang 'yong luha,
Hindi mula sa mata Kundi mula sa apdo at sa puso mong nalason
Nang kamandag ng unang pag-ibig.
Mahal kita
Kaya hindi na ako lalayo,
Kahit alam kong mauuna pa akong malulunod
Sa mundo mong hilam sa luha.

Mahal,
Hindi ko sasabihin sa'yong
Gumising ka na
Sa kabaliwan,
Dahil ako'y tulad mo ring baliw
Mula pa noong
 Una kong hakbang palapit sa'yo.


-         Lawrence Avillano; August 18, 2016